Inner Whispers - ! ! ! Ingat Ka, Wala Sila Doon

2014-11-10 2

Tila hatak-bawi ang nais mo sa panahon
Kating-kati na ang mga paa, ibig nang maglimayon,
At sa nalalapit na pag-alis ay 'di maiwasang tumahimik
Lalo na kapag naririnig ang pamilya'ng may malalamyos na gibik.

Wika mo, 'Kaya ko, kakayanin ko para lamang sa inyo.'
Pinatatag ng masidhing pagnanasa'ng kumita at magsakripisyo.
Mawalay sa pamilya, hindi inalintana
Sapagkat para din sa kanila ang katatagan ng adhika!

'Ingat ka, wala kami doon, ' bilin niya
'Haplos ko'y huwag kalimutan, baunin mo sa tuwina.”
At sa pagdaloy ng luha sa kanyang mga mata,
Tila puso mo’y dinurog ng pino, kagat-labi, pilit ‘di ininda.

Ingat ka, wala sila doon, magpakatatag ka
“NO FEAR”, wika mo nga sa status mo, lahat makakaya,
Sabi ko naman, “ Hindi ah, kadalasan takot nga ang umaariba
Kung kaya’t nakakagawa ng mga bagay, “NO HOLD BARRED”, ika nga!

Saludo ako sa’yo, aking kaibigan
Kahit may bahid-takot sa kahihinatnan sa kung saan,
Kakayanin mo’ng tiisin ang sakit at hirap
Magsakripisyo, mapalayo sa pamilya matupad lang ang pangarap.

Heto, alay ko para sa iyo, sa nalalapit mo’ng pag-alis
Nangako ako, on the spot, heto’t hinabi ko…
Mga kataga’ng galing sa tapat ko’ng puso
Ingat ka…wala sila doon…kayanin mo ang pagsubok na haharapin mo!


(Para sa mga OFW's.)

Inner Whispers

http://www.poemhunter.com/poem/ingat-ka-wala-sila-doon/