Inner Whispers - ! Walang Paglagyang AGAM-AGAM

2014-11-10 23

Batid ko, sa taghoy ng katahimikan mo
Bakas sa ihip ng hangin ang nakakunot na noo,
Samyo ng nagbabagang hangin ng AGAM-AGAM
Hindi mapigilang sakit ng di malamang pakiramdam.

Ipinako ang paningin sa palubog na araw
Malamlam na panginoorin, kulay ay mapanglaw,
Linlang ng AGAM-AGAM, paniniwala'y nauupos
Katulad ng malungkot na paglubog ng araw, liwanag ay nawala nang lubos!

Puso'y kinurot ng dilim, hatid ay ligalig
Di mawari kung saan susuling, nabibingi ang pandinig,
Umuukilkil sa diwa, AGAM-AGAM ng pag-ibig
Ako ba o siya, tayo na ba o hindi pa?

Saan ka dadalhin ng AGAM-AGAM?
Sa kawalang pag-asa ba at hayaang hangarin ay maparam?
Iwasan na lamang ba at huwag nang lumaban
Maniwala sa AGAM-AGAM na sa puso ay nakadagan?

Ahhh...tanong ni JR, tila kulay ng mundo mo'y may bahid ng lungkot?
Umiibig ka, wika mo, subalit mata mo'y mapanglaw, tila may takot,
Halakhak mo'y may bahid ng AGAM-AGAM
Tula na akda mo'y may guhit alinlangan sa pakiramdam.

Hmn...Ang umibig ay dakila, wagas na adhika
Hatid nito'y ligaya, nilulunod ang katauhang nagpaparaya,
Subalit malungkot ang umibig sa taong ang minamahal ay hindi makasama
Pupunuin ng AGAM-AGAM ang pusong umaasa!

AGAM-AGAM...Saan ka dadalhin nito, kaibigan?
Di nga ba't walang paglagyang AGAM-AGAM saiyo'y nakapasan?
Marahil ay hindi sapat ang namutawing pag-ibig na may katiyakan
Hindi mapapawi ng mga kataga ang AGAM-AGAM o ang alinlangan!

AGAM-AGAM ng puso, pakiusap...ako ay iwan mo...

Inner Whispers

http://www.poemhunter.com/poem/walang-paglagyang-agam-agam/

Free Traffic Exchange